Monday, January 09, 2006

avatar: pepe

Ikaw ay isang kabataan na hindi man naliligaw ng landas, ay hindi naman malaman kung anong daan ang tatahakin. Ikaw ay nakakulong sa isang imaheng iyong tinaggap, ngunit hindi naman talaga inasahan mula sa iyo.

Buong buhay mo ay naging masunurin ka sa mga nais ng iyong magulang. Hindi man nila direktang sabihin ang kanilang mga nais para sa iyo, batid mo ito sa iyong muni at hindi mo sinasadyang matupad ang mga ito sa mga hindi inaasahang pagkakataon. Natapos mo ng maluwat ang iyong mababa at mataas na baitang ng pag-aaral taglay ang mataas na marka at parangal. Subalit unti-unti mong nakita ang mga pagkukulang sa iyong buhay. Batid mo ang matinding kalungkutan na iyong nadarama.

Hanggang sa magsawa ka na sa imaheng iyong tinaggap, ngunit hindi naman talaga inasahan mula sa iyo. Hindi ka nila inaasahan na maging precocious, kaya ng matuklasan nila ang iyong talento at kapasidad ay sinuportahan ka nila upang matamo ang pinakamatagumpay na tahakin para sa iyong kinabukasan. Dahil dito ay napaniwala mo rin ang iyong sarili sa mga taglay mong kakayahan.

At ngayon, nasa kolehiyo ka na, taglay ang akala ng iyong kagalingan, na balang araw ay may magagawa ka at mapapatunayan - hindi man para sa iyong bayan, ay para sa iyong pamilya. At higit sa lahat, gusto mong patunayan ito sa iyong sarili.

Subalit hindi pumanaw ang kalungkutan at pagkasawa. Dumating ang araw na ayaw nang tumanggap pa ng iyong isipan ng mga teorya, ng paliwanag. Pakiramdam mo na naintindihan mo na ang mga mahalagang bagay na dapat unawain. Ito ang mga bagay na hindi makikita sa mga aklat na paulit-ulit na inuukit sa iyong bagot na bagot na pag-iisip, “maximize profit, minimize cost”. Ang ruta na dapat raw bagtasin upang matamo ang karangyaan, at kung sinuswerte ka ay “kapalagayan ng pag-iisip”, daw.

At dumating na ang araw na nais mo nang kumawala sa imaheng iyong tinaggap ngunit hindi naman talaga inaasahan mula sa iyo. Mula noon, ay tinalikuran mo na ang intellectual complacency. Mas ninais mo ng lumikha ng mga bagay. Yung mga bagay na mula noon ay itinuturo sa iyo. Para sa iyo, ang mga aral ay dapat isinasabuhay upang makatulong sa iba, upang makapagbago ng buhay.

Subalit hindi mo alam kung paano mo magagawang makatakas sa imaheng ito. Buong buhay mo ay inasahan ka bilang isang taong bihirang magkamali. Subalit, nais mo ngayong subukang magkamali upang matutunan ang mga mas mahahalagang bagay sa mundo na dapat mong matutunan. Subalit takot kang sila’y mabigo. Takot ka ring mabigo.

Oo, ikaw nga ang dating bata na punong-puno ng pangarap. Ang bata na siguradong magpapalipad sa kanyang saranggola ng pinakamataas. Subalit ikaw ay nagbago. At ngayon ay nais mong maging karaniwan, upang matakasan ang lungkot ng iyong pag-iisa.

Ang kalayaan, iyong napagtanto, ay makikita mo lang sa pag-unawa na kahit ang mga taong tinitingala, ginagalang, at tinutularan, ay may kanya-kanya ring kamalian na buong tapang nilang ginawa, tinaggap, at pinagbago. Higit sa bantayog ng tagumpay ng mga iniidolo mo, nais mong mas kilalanin sila bilang karaniwang taong tulad mo rin ay nabuhay na puno ng suliranin at bumangon upang maging kung sino man sila ngayon.

Iyong pinapanalangin na makawala ka sa seldang kinakukulungan mo ngayon, makita ang tunay na halaga ng buhay, harapin ang iyong mga takot na nakataas-noo, at sa wakas ay magawa mo ang pinakamahalang bagay na iyong buong-pusong pinapangarap, sa harap ng maningning na sikat ng araw.

------
reaction paper in PI 100 (Rizal)

0 Comments:

Post a Comment

<< Home